Buwan Ng Wika
Pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang temang Wika Natin ang Daang Matuwid para sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Agosto 19-21 2013.
.
Para sa atin ano nga ba ang Wikang Pambansa?
Parte na ng buhay ng tao ang wikang Filipino maging ang wikang Ingles bilang instrumento ng komunikasyon at pakikipagtalastasan sa lahat ng larangan. Ngunit magpahanggang ngayon ay hindi sigurado kung ano nga ba ang dapat na maging bahagi ng wikang Filipino at ng wikang Ingles sa ating mga Pilipino.
"Buwan ng Wika" ang isa sa mga pagkakataon upang ito ay ipagmalaki at pagyabungin saan man sulok ng bansa. Pagkakataon din ito upang ipagmalaki ang kulturang Pilipino.Dahil ang Pilipino ay likas na matatapang , masayahin, at maka- diyos. Pagkakataon din ito upang iparating sa ating mga kababayan na ang ating pambansang wika ay hindi lamang para sa pakiki-pagkomunikasyon ngunit siya ring pundasyon ng ating pagkakakilanlan bilang isang indibidual at bilang isang bansa.Ang wika ng isang bansa ay masasabi natin na kaluluwa ng isang bansa na siyang nagbibigay buhay dito. Ito ay nagsisilbing tulay na siyang nagdurugtong sa mga komunidad na naninirahan sa isang bansa. Sa pamamagitan nito, ang pagkakaisa at pagkakaunawaan sa bawat tao ay lalong yumaya . Ito rin ang nagsisilbing susi ng ating pagkakakilanlan, sa pamamagitan nito, nakikilala ng ibang tao kung sino tayo.
Ang importansya upang lalong paunlarin at palawakin ang ating pambansang wika ay matagal nang binibigyang pansin ng mga namumuno sa ating bansa. Sa Pilipinas mayroon tayong higit sa isang daang klase na lengguahe na ginagamit mula Batanes hanggang Tawi-tawi, ngunit ang pambansang wikang "Filipino" pa rin ang siyang mas malimit na ginagamit at mas naiintidahan sa buong kapuluan.
Kaya bilang Pilipino hinihikayat ang madla na akti makilahok sa mga programang inihanda para sa taóng ito. Pinakatampok sa Buwan ng Wika ang Pambansang Kongreso sa Wika na gaganapin sa Agosto 19-21, 2013. Ang kongreso ay inaasahang daluhan ng mga dalubhasa sa iba’t ibang larang upang talakayin ang mga napapanahong isyung kinakaharap ng wikang Filipino at mga kapatid na wika nito sa bansa.
Ang pagpapabuti ng paggamit ng wikang Ingles ay hindi nangangahulugan ng pagkalimot sa wikang sadyang atin. Kailanman ay hindi natin magagawang talikuran ang wikang naging kasa-kasama na natin sa loob ng maraming taon at sa mga susunod pang panahon. Ang pagpapayaman sa sarili nating wika at pagpapabuti sa wikang Ingles ay dalawang obligasyong dapat nating matutunan at maisakatuparan upang mapaunlad ang ating pagka-Pilipino.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento